CAGAYAN DE ORO CITY – Labing anim na drug pushers mula sa Bukidnon ang kusang sumuko sa National Bureau of Invetigation (NBI) – Northeastern Mindanao Regional Office, Martes ng hapon.
Sinamahan ni Bukidnon governor Jose Ma. Zubiri Jr. ang mga sumukong pusher na nagmula sa Malaybalay, Talakag at Maramag, kung saan isa sa mga ito na may alyas na Virgo ay kinilala bilang isang “big time” drug supplier mula Malaybalay.
Sinabi ni Zubiri na una sa kanyang prayoridad ang pagsuko ng mga drug pushers upang malaman niya kung sino ang kanilang supplier at lider.
Minarapat ng mga sumuko na dumulog na lamang NBI dahil sa kawalan nila ng tiwala sa mga pulis ukol sa sunod-sunod na pagpatay.
Dismayado naman si Zubiri sa pulisya dahil hindi nito naipapatupad ng maayos ang Oplan Tokhang kung kaya’t inaakala tuloy ng iba na walang drug pushers at drug users sa Bukidnon kahit pa 85% ng populasyon mula sa 464 na barangay ang kinabibilangan ng mga ito.
Handa namang bigyan ng provincial government gayundin ang municipal government ng halagang P25,000 cash ang bawat isa sa mga sumuko upang sila ay makipagsimula ng bagong buhay.
Magtatayo naman ng isang rehabilitation center ang provincial government para sa mga kumpirmadong drug users.
(Divina Suson)