Isa sa pinaka-busy sa showbiz ngayon ang Kapamilya TV host na si Amy Perez-Castillo.
Madaling-araw pa lang ay napapanood na siya sa “Umagang Kay Ganda.” Pagdating naman ng tanghali ay nasa “It’s Showtime” siya. Tapos ay may radio show pa siya sa DZMM.
Kaya naman ang tanong sa kanya ay kung paano ba niya nababalanse ang oras sa trabaho at pamilya?
“Lahat nga iyan tinatanong, parang paano mo ginagawa? Actually po talaga, para lang akong nagha-half day na opisina dito sa ABS-CBN. Pero kailangan disiplinado talaga na 7:30 ng gabi tulog na kami, sarado na ang tindahan. Oo, pati kids. Except for Adi kasi nagka-college na siya. So, ang dinner naming mga 5:30 or 6. Minsan hindi pa tapos ang ‘TV Patrol,’ ‘Kabayan,’ ‘Manong Ted,’ ‘Ate B,’ sorry tulog na ako. Kasi 3:30 am gumigising ako. So, paggising ko ng 3:30 deretso na ako dito sa ABS, make-up, kasi kailangan 4:30 nandito na. Salang ng 5, tapos hanggang 8 ’yung show (UKG).
Tapos deretso ng bahay, buti na lang malapit lang ang bahay namin. So, nakakatulog pa ako ng at least 45 to 50 minutes, after ko pakainin si Isaiah, laro-laro konti. Tulog pa si asawa (Carlo Castillo). Si Adi minsan magkikita kami, papunta na siya sa school. Si Kyle tulog pa kasi panghapon siya. So, pagkatulog ko, gigising ako ng 9:30, quarter to 10 balik na ng ABS, tapos radio naman ako sa DZMM, ’yung “Sakto with Marc Logan.” Tapos deretso na iyon ng “Showtime.” Tapos after “Showtime,” iyan na balik na ako sa pagiging alila sa mga anak ko, kasi magsusundo na ako kay Kyle. So, deretso na kami sa bahay, tapos iyon na dinner na, luto na ulit. Tapos the next day na ulit. Ganun ang routine ko everyday,” mahabang kuwento ni Amy nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay.”
Si Adi ay anak ni Amy sa dati niyang asawang si Brix Ferraris, habang sina Kyle at Isaiah ay mga anak naman niya sa husband niyang si Carlo.
Ayon pa kay Amy, time management lang daw ang kailangan para magawa niya ang lahat nang walang nagsa-suffer sa trabaho niya lalo na sa kanyang pamilya. At saka may family bonding time daw talaga sila tuwing weekend.
(GLEN SIBONGA)