Dalawang katao, kasama ang isang miyembro ng Philippine Marines, ang napatay habang dalawang Chinese students ang malubhang nasugatan nang tambangan sila ng dalawang lalaking nakamotorsiklo sa isang market compound sa Pasay City, Martes ng gabi.
Kinalala ng pulisya ang napaslang na si Private First Class Marc Neil Alisasis, 33, miyembro ng Philippine Marines, na inupahan bilang driver at bodyguard; at Adelfa Dava, 22, stay-in house helper ng isang pamilya sa Binondo, Manila.
Itinago muna ng police ang pangalan ng dalawang sugatang Chinese students na edad 5 at 20. Ayon kay SPO1 Rodolfo Suquina, case investigator, pauwi na sana ang mga biktima sakay ng dark blue Mercedes Benz (BAO 112) na minamaneho ni Alisalis bandang 9:45 p.m. nang paputukan sila ng pitong beses ng isa sa mga suspek na nakasuot ng bull cap.
Napag-alaman na kakatapos lamang maghapunan ng mga biktima sa Hueying Restaurant sa Seaside Market Compound (Dampa) sa Macapagal Avenue nang maganap ang pag-atake.
Si Alisalis at Dava na nakasakay sa harap na upuan ng sasakyan ang napuruhan sa pamamaril. Namatay noon din si Alisalis matapos tamaan ng bala sa kaliwang sentido.
Pumanaw naman si Dava habang sumasailalim sa operasyon dahil mga balang tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala rin sa naturang ospital ang dalawang Chinese students na nagtamo lamang ng gasgas sa ulo.
Pinauwi na ang batang biktima habang ino-obserbahan pa ng mga doktor ang isa. “Madalas silang magpunta doon sa restaurant.
So tinitignan namin kung namanmanan sila,” said Suquiña. Base sa police report, sumakay ang hitman sa isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki na humarurot papuntang Macapagal Avenue matapos ang pamamaril.
“Marami kaming tinitignan na isyu. Baka mistaken identity. O baka magulang ang target. Personal na kaaway ng driver. Tinitignan namin lahat ng avenues,” sabi ni Suquiña. (Martin A. Sadongdong)