Posibleng “business rivalry” ang motibo sa likod ng pananambang na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at malubhang pagkakasugat ng dalawang Chinese nationals sa Pasay City noong Martes, ayon sa pulis.
Sinabi ni Chief Inspector Rolando Baula ng Pasay City Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) lumitaw ang anggulong ito nang malaman nila na maraming negosyo sa Pilipinas ang pamilya ng five-year-old Chinese student, isa sa mga nasugatang biktima.
“Masyado pang maaga para mag-conclude pero ang tinatahak namin doon muna, sa angulo na business rivalry,” sabi ni Baula.
Napatay sa ambush sina Marc Neil Alisasis, 33, driver-bodyguard ng pamilya ng batang Chinese student; at Adelfa Dava, 22, stay-in house helper.
Nadaplisan lamang ng bala ang dalawang Chinese students na edad 5 at 20. Sinabi ni Baula na ang pamilya ng batang Chinese student ay may marble mining business sa Norzagaray, Bulacan; mining business sa Borac, Pampanga; at tempered glass business doon din sa Bulacan. (Martin A. Sadongdong)