CAMP RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Halos 10,649 na drug pushers ang kusang sumuko sa pulisya simula nang maipatupad ang “Project Tokhang” noong Hulyo 1 sa ilang piling lugar sa limang probinsya at anim na siyudad sa may Caraga region.
Ayon sa isang tabulated report ng Regional Tactical Operations Center (RTOC) kahapon, kinabibilangan ng mga sumukong 10,649 drug personalities ang 2,491 pinaghihinalaang mga pusher mula sa Agusan del Norte at Cabadbaran City; 2,340 mula sa Agusan del Sur at Bayugan City; 1,212 galing sa Butuan City; 146 mula sa Dinagat Islands; 1,811 galing Surigao del Norte at Surigao City; at 2,649 naman ang nagmula sa Surigao del Sur kasama mga siyudad ng Bislig at Tandag.
Bukod sa mga drug pushers at users, naitala din ng tactical operation center ng PRO 13 ang mga naarestong 76 na drug suspects at tatlong drug personalities na napatay habang nagsasagawa ang pulisya ng illegal drug operations mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 13.
Inihayag naman ni PRO 13 regional director Chief Supt. Rolando B. Felix na naturn-over na nila ang mga sumuko sa local government units (LGUs). (Mike U. Crismundo)