Hindi bababa sa 11 na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang patay at 19 iba pa ang sugatan nang makipagpalitan ng putok ang mga ito sa mga sundalo ng gobyerno sa Datu Unsay, Maguindanao, Miyerkules.
Ayon kay 601st Brigade Commander ng Army na si Col. Cirilito Sobejana, nagsasagawa ng security patrol at clearing operation sa Shariff Aguak at Datu Unsay ang mga sundalo ng 601st Infantry Brigade sa ilalim ng 6th Infantry Division, at 34th, 57th, 33rd at 40th Infantry Battalions nang masilayan nila ang isang grupo ng BIFF fighters sa lugar.
Aabot sa 30 hanggang 35 na BIFF fighters na pinamumunuan nina Kumander “Rocky” at “King Itim” at 70 hanggang 80 iba pang fighters ang nakipagpalitan ng putok.
Isang labing limang anyos na babaeng tinedyer naman na kinilala bilang Fatima Elian, residente ng Brgy. Meta, Datu Unsay ang napatay din matapos matamaan ng bala.
Dalawang miyembro naman ng mga sundalo ang naiwang sugatan na ngayon ay binibigyang lunas pa rin sa hospital. (Francis T. Wakefield)