Isang dating barangay chairman ang binaril hanggang sa mamatay sa harap ng kanyang tahanan sa Valenzuela City kahapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Marcelo de Guzman, 62, na naging kalihim ng barangay matapos ang kanyang termino bilang barangay chief.
Papaalis na sana ng bahay si De Guzman sakay ng kanyang motorsiklo nang siya’y barilin ng hindi kilalang lalaki bandang 7:45 ng umaga, base sa police report.
Armado ng .45-caliber pistol ang pumatay kay De Guzman, sabi ni Valenzuela police chief Senior Supt. Ronaldo Mendoza.
Ayon kay Barangay Parada chairman Maximo de Gula, naging village chief si De Guzman mula 2002 hanggang 2013 bago siya nagserbisyo bilang barangay secretary.
“Wala akong alam na kaaway niya, matagal na kaming magkasama at sa akin siya nagsasabi kung meron siyang problema, nakaaway o nakagalit,” sabi ni De Gula. (Ed Mahilum)