Ipinahayag kahapon ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nicanor Faeldon na pinagbubuti ngayon ang mga pasilidad at kakayahan ng ahensiya para maiwasan na ang pagbubukas ng balikbayan boxes.
Sa panayam ng isang TV news program, sinabi ni Faeldon na nagbabalak ang ahensiya na bumili ng mas maraming X-ray machines para maiwasan ang posibleng pagpasok ng mga ipinagbabawal na kagamitan sa pamamagitan ng balikbayan boxes.
“We need to improve our capability doon sa ating pag-x-ray para hindi ito magalaw, mabilis ang paglalabas, mabilis ma-clear, para dire-diretso na sa ating mga kababayan,” sabi ni Faeldon.
Ayon kay Faeldon ayaw niyang binubuksan ang mga balikbayan boxes at naantala ang pagre-release ng mga iyon, ngunit kinakailangan din namang masiguro na hindi naglalaman ang mga bagahe ng ipinagbabawal na kagamitan.
Sinabi niya na sa ilalim ng Customs Modernization Tariff Act (CMTA), pinapayagan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na maglagay ng P150,000 halaga ng mga gamit at produkto sa kanilang balikbayan boxes.
“Hindi dapat talaga buksan ang mga kargamento ng ating mga OFW. Hindi naman dapat pakialaman ang laman niyan. May value sa kanila ‘yon.
But we also want to ensure that these boxes are not being used by some unscrupulous sectors,” dagdag pa ni Faeldon. (Argyll Cyrus B. Geducos)