Binalik-tanaw ni Candy Pangilinan ang mabigat na pinagdaanan niya sa buhay 13 years ago.
“Thirteen years ago iniwan po ako ng asawa ko. Pagkatapos po nalaman ko na special ang anak ko. Okay naman,” may halong pagbibirong sabi ni Candy nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay.
Paano niya hinarap ang mga kaganapang ito sa buhay niya noong time na iyon? “Maraming dasal, pamilya, at ’yung mga kaibigan ko. Kung wala ’yung mga kaibigan ko siguro baliw na ako ngayon. O kung wala sila, siguro wala na ako ngayon.”
Dito na inamin ni Candy na totoong nagpa-check up siya sa psychiatrist pagkatapos ng failed marriage. “Nagpa-check up talaga ako. E kasi sabi ng asawa ko kasalanan ko raw lahat kaya kami naghiwalay. Sabi niya siraulo ako. Sabi niya parati lang daw akong nagdududa, wala siyang babae. So, nagpa-check up ako, baka siraulo nga ako,” hirit pa ni Candy.
Pero ang kaibigan ni Candy at Magandang Buhay host na si Karla Estrada pala ang nakahuli sa dating asawa ng komedyana na may ibang babae ito. “E siya ang nakahuli, si Karla ang nakahuli. Siya ang dahilan kaya wala akong asawa,” patawa ulit ni Candy. “Actually, ang nangyari noon nahuli na ni Karla before ako ikasal. So, na-postpone ’yungkasal, so hindi natuloy. Ngunit datapwa’t naniwala kasi ako kay Gelli (de Belen) na kapag nagpatawad ka kakalimutan mo agad lahat. Dahil matigas ang ulo ko at naniwala ako kay Gelli na past is past, so pinatawad ko, nagbalikan kami. So, nagpakasal ako na ako rin naman ang gumastos. Kinasal ako ang daming pari, labingdalawa, no joke 12 priests, isang bishop, tapos mayroon pa akong Papal blessing. Kaya nga less than two years hiwalay na ako. Siguro sa sobrang daming dasal, hindi humaba ang paghihirap ko. Iyon talaga ang paniniwala ko.”
One year matapos silang ikasal ay nabuntis si Candy. Pero one month bago siya manganak ay naghiwalay na rin sila ng asawa niya.
Paano ipinaliwanag ni Candy sa anak niyang si Quentin ang paghihiwalay nilang mag-asawa? “Eto naman ang pasalamat ko sa Diyos, hindi niya tinatanong at wala siyang idea about that. Hindi naiintindihan ni Quentin ’yung concept na dapat mayroon siyang sariling daddy,” paliwanag ni Candy tungkol sa anak niyang may special needs.
Pero happy si Candy sa malaking improvement ni Quentin ngayon. “Actually, ang laki na ng development ni Quentin.
Because he started with not talking, not walking, not doing anything at all. Now magti-thirteen na siya, two years ago nawala na ’yung autism niya. Quentin is a blessing.”
Kasalukuyang may tinatapos na libro si Candy tungkol sa kung paano alagaan ang mga batang may special needs. Mababasa rin dito ang mga nagging karanasan niya kay Quentin. (GLEN P. SIBONGA)