Isang hinihinalang “bigtime” drug pusher na umano’y sangkot din sa carjacking at gunrunning ang nadakip ng mga pulis noong Biyernes ng hapon sa Caloocan City.
Kinilala ni Chief Inspector Bernard Pagaduan ng Caloocan Anti-Illegal Drugs Unit ang naaresto na si Ace John Icban, 27. Dinakip din ang kanyang bagong tauhan na si Rodelio Vinduan, 46. Base sa police report, nagtungo ang mga operatiba ng Caloocan Anti-Carjacking division sa apartment ni Icban sa Barangay 166 bandang 5 p.m. matapos na ituro siya ng kanyang mga dating tauhan na sina Paulo Angelo at May Ann Simpliciano na sumuko sa pulisya noong Hulyo 5.
Nahuli ng mga pulis si Icban at Vinduan sa aktong sumisinghot ng shabu. Nagtangka pang bumunot ng baril si Vinduan nang makita ang mga pulis, ngunit mabilis na naagaw sa kanya ang armas ng isa sa mga operatiba.
Namangha ang anti-carjacking group ng Caloocan dahil mga baril at bomba ang kanilang nakita sa loob ng tahanan ng suspek sa halip na mga nakaw na sasakyan. (Jel Santos)