CAMP PRESIDENT QUIRINO, Ilocos Sur – Patay ang isang fish vendor habang sugatan ang anak nito nang pagbabarilin ang mag-ama ng hindi pa nakikilalang mga suspek Linggo ng gabi sa Barangay Poblacion Sur, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Kinilala ang biktima na si John Paul Camangeg, 37, residente ng Barangay Poblacion Sur, Sta. Maria, Ilocos Sur na dead on the spot matapos tadtarin ng bala ng apat na hindi pa nakikilalang mga salarin.
Ilang araw bago ang krimen ay sinasabing isa ang biktima sa malaking grupo ng mga drug personalities na sumuko sa awtoridad ng probinsiya.
Isa din ito sa mga sumumpa kaharap ang mga opisyal at nangakong hindi na babalik sa kanilang masamang bisyo. Ayon kay Chief Inspector Greg Guerrero, spokesperson ng Ilocos Sur police provincial office, nanood ang biktima ng telebisyon kasama ang anak nito na si John Cedric Camangeg, 18-anyos at isang college student sa kanilang tahanan nang atakihin sila ng mga suspek.
Tinamaan din ang anak ng nasawing biktima sa likod at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. Narekober sa lugar ng krimen ang ilang empty shells ng M16. Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.
Naging maigting man ang kampanya ng gobyerno sa pagtugis as mga drug pushers at users, tinututukan din ng awtoridad ang mga kaso ng pamamaslang sa mga sumusuko sa kanilang ‘double barrel’ strategy. (Freddie G. Lazaro)