Umapela sa Duterte administration ang Karapatan, isang human rights watchdog, na pakawalan na political prisoner na si Renato Baleros Sr. na ngayo’y nagdudusa dahil sa sakit sa bato, sepsis at iba pang karamdaman na pinalala ng kanyang pagkakakulong sa Western Samar.
“We are calling on the Duterte government to immediately release Renato Baleros Sr. on just and humanitarian grounds.
“We fear that bringing him back to prison will eventually cost his life,” pahayag ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Inaresto si Baleros noong nakaraang administrasyon sa kabila katotohanang protektado siya ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) na pinirmahan ng National Democratic Front of the Philippines (NDF) at ng Philippine government (GRP).
Dumating si Baleros sa Manila mula sa Tacloban City kahapon kasama ang dalawang personnel ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang kanyang anak na si Ramel, at isang Karapatan Eastern Visayas staff member.
Ayon kay Palabay, kailangan ni Baleros na sumailalim sa masusing medical investigation sa Maynila o Cebu. Ikinulong si Baleros dahil ibinibintang na kaso ng murder, frustrated murder, robbery in band, multiple homicide at arson. (Chito Chavez)