Labing-isang hinihinalang tulak ng droga, kasama ang dalawang pulis, ang nadagdag sa listahan ng mga napatay ng mga alagad ng batas sa patuloy na malawakang kampanya laban sa illegal drugs sa Metro Manila.
Sa Quezon City, nasawi sina PO3 Rexty Casagan, nakatalaga sa QCPD Novaliches Police Station anti-illegal drug unit, at Mohammad Ali Besher alyas “Basher”, 36, nang manlaban sa mga pulis.
Napatay si Casagan sa isang shootout na naganap matapos na maglatag ng buy-bust operation ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa kanya sa bandang Adarna Street.
Binawian naman ng buhay si Besher nang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Masambong Police Station (PS-2) na nagsagawa ng Oplan Tokhang bandang 1:10 a.m.
kahapon sa kanyang bahay sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa. Sa Caloocan naman, napatay din ang suspendidong pulis na si PO3 Roberto Cahilig Jr., alias “Jun Prado” o “Jun Cahilig”, 47, nang maka-engkwentro ang mga operatiba ng Caloocan City Police anti-illegal drugs unit sa Barrio Conception, Barangay 188, bandang 2 p.m..
Ayon sa pulisya, dating nakatalaga si Cahilig sa District Anti-Illegal Drugs Unit. Sa Pasay City, lumaban umano ang drug pusher na nakilala lamang sa alyas na Baho, kung kayat napilitan ang mga miyembro ng Malibay Community Precinct na barilin siya sa E. Apelo Cruz St., Barangay 157, Malibay, dakong 1:30 p.m., Lunes.
Dead on the spot siya dahil sa mga tama ng bala sa katawan. Napatay din ang drug suspect na Ruben Rivera ng CAA, Las Piñas City nang pumalag sa mga umaaresto sa kanya.
Sa Manila naman, bumulagta sa kalye ang anim na mga drug offenders – Jomar Manaois alias Tutong, 20; Mark Anthony Bunuan alias Mac Mac; Jefferson Bunuan ng Tondo; Gerry Collado ng Malate, isang alyas Erwin ng Quiapo, at Amir Amilul, 32 – nang manlaban sa mga police operatives sa magkakahiwalay na anti-drugs operations Lunes ng gabi at kahapon ng madaling araw.
(Ulat mula kina Vanne Elaine P. Terrazola, Martin A. Sadongdong, Jean Fernando, at Betheena Kae Unite)