Nasa atleta ang sakripisyo at hirap, nasa mga opisyales naman ang sarap.
Itinaas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang allowances ng mga atleta at coaches para sa darating na Rio Olympic Games na gaganapin simula Agosto 5-21 bagaman mas malaki pa ang makukuha ng mga opisyales na manonood at mamamasyal lamang sa kada-apat na taong Olimpiada.
Inihayag mismo ni Duterte na itataas nito sa $3,000 ang allowance ng mga pambansang atleta mula sa dating $1,000 habang pinangakuan nito ang mga coaches at opisyales na makatanggap ng $5,000.
Gayunman, mas madami pa ang mga opisyales na kasama na binubuo ng mga coaches, press attaché, chief of mission, administrative at medical staff kumpara sa bilang ng mga lalahok na atleta na siyang magpapakahirap para sa pinakaunang gintong medalya ng bansa.
Sinabi ng Philippine Olympic Committee (POC) na mayroon lamang na 12 Pilipinong atleta ang sasabak sa Rio Olympics habang kabuuang 18 naman ang mga opisyales na nakalista bilang parte sa delegasyon.
Noong Lunes ay nagtungo kay Duterte ang mga atleta para sa isang courtesy call bago lumipad tungo sa Rio de Janeiro sa Brazil sina Eric Shawn Cray (men’s 400M hurdles), Mary Joy Tabal (women’s marathon), Marestella Torres (long jump), Charly Suarez (men’s boxing), Rogen Ladon (men’s boxing), Miguel Tabuena (golf), Ian Lariba (women’s table tennis), Kirstie Alora (women’s tae kwon do), Hidilyn Diaz at Nestor Colonia (weightlifting). (Angie Oredo)