Sinampahan ng kasong graft si Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron kasama ang 19 na iba pa ukol sa umano’y maanomalyang pagbili ng mga heavy equipment na umabot ng P260 million. Sa isang 12-page complaint na isinampa ng Zerotorance Org.
(ZTO), inakusahan nito ang mga respondents ng paglabag ng government procurement law dahil sa paglabas nito ng supply contract na hindi kahalintulad ng nasasaad sa naipasa sa city council.
Isa na dito ay ang pagbabawas ng mahigit 15 equipments kasama na ang ilang dump trucks kahit na ang mga ito ay dumaan sa bidding process noong nakaraang Marso.
Ayon kay Danilo Hassan ng ZTO, nakita nila na iba ang presyo ng heavy equipment kung ikukumpara sa approved budget contract (ABC) sa ilalim ng appropriation ordinance.
Kasama sa kaso bilang respondents na karamihan ay miyembro ng bids and awards committee sina Cynthia Amurao, Tiburcio Macjay, Arnel Pedrosa, Alberto Jimenez, Jr., Joven Baluyut, George Vasquez, Elena Rodriguez, Rolly So, Sergio Red, Jerome Padrones, Enrico Gabayan, Carlos Abogado, Jr., Ricardo Lagrada, Rosemaries Bacatan, Tito Murcia at Roneson Sendaydiego. (Jun Ramirez)