Sa kulungan ang bagsak ng isang illegal recruiter na nakakolekta ng tinatayang P140,000 halaga ng pera sa apat na taong pinangakuan niya ng trabaho sa Switzerland.
Kinilala ni SPO1 Melvin Garcia, case investigator, ang suspek na si Irene Linis, 61, nakatira sa No. 74 Colon Street, Cavite City.
Inireklamo si Linis ng kanyang mga biktimang sina Estilito Mendoza, 40, dating OFW; Nathaniel Quito Jr., 41; Jeffrey Rubia, 25, at Erwin Alarba, 26, mga residente ng Cavite City.
Ang mga biktima mismo ang dumakip kay Linis bandang 10:30 a.m. malapit sa lumang gusali ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Roxas Boulevard kung saan sila kinatagpo ng huli para kunin ang hinihingi niyang karagdagang bayad na P20,000.
“Nag-decide na po kaming dalhin sa pulis dahil sobrang tagal na ng pangako niya at ang dami na naming nagagastos pero walang nangyayari sa amin,” ayon kay Mendoza. Nakakulong ngayon si Linis sa Pasay City Jail at nakatakdang sampahan ng apat na kaso ng estafa sa korte. (Martin A. Sadongdong)