Pinamunuan ni Allaney Jia Doroy sa iniuwi nitong dalawang ginto at isang pilak ang kampanya ng 15-kataong Pilipinas sa pag-uwi ng kabuuang anim na ginto, tatlong pilak at isang tanso sa katatapos na 12th Asian Schools Chess Championships sa Iran Chess Federation playing hall sa Tehran.
Kinolekta ng 14-anyos ngunit naglaro sa kategorya ng 17-Under na si Doroy ang ginto sa standard at rapid chess habang nagkasya lamang sa pilak sa blitz upang tulungan ang Pilipinas sa pangkahatalang ikalawang puwesto sa torneo na sinalihan ng 17 bansa.
“Actually, we are the defending champions of the tournament held in Singapore,” sabi ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director at Grandmaster Jayson Gonzales sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s, Malate.
“But host Iran entered almost a hundred kids in all the events which enabled them to win the overall title,” sabi pa ni Gonzales, na nakatakda naman lumahok sa gaganapin na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Nakamit naman ni Doroy, na mula Agusan Del Sur at 2nd year high school student sa National University, ang titulo bilang Women International Master bunga ng kanyang pagwawagi sa tatlong kategorya na kanyang sinalihan.
Nakatakdang magbalik sa bansa Martes ng hapon ang delegasyon habang inaasahang magbibigay ito ng courtesy call kay PSC chairman Butch Ramirez sa umaga. (Angie Oredo)