Ni-relieve sa puwesto ang apat na miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) matapos silang magpositibo sa drug tests.
Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar ang mga sinibak na pulis na sina PO2 Marlou Baradi, nakatalaga sa District Public Safety Battalion; PO2 Cornelio Sarmiento ng Anonas Police Station; PO1 John Santos ng Batasan Police Station; at PO1 Porferio Sarigumba ng Talipapa Police Station.
Ayon kay Eleazar napatunayang gumagamit ng bawal na gamot ang apat na pulis nang magpositibo sa methylamphetamine ang kanilang urine samples sa confirmatory tests.
Malaya naman ang apat na sumailalim pa sa third party test para pabulaanan ang naunang drug tests, ayon sa police district chief.
Kinumpiska ang baril ng apat at pinigil sa District Headquarters Support Unit na nasa loob ng QCPD headquarters sa Camp Karingal. Sinabi ni Eleazar na ililipat sila sa NCRPO Regional Headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City para sumailalim sa summary dismissal proceedings. (Vanne Elaine P. Terrazola)