AKLAN – Sa kabila ng tensyon na namamagitan sa pagitan ng China at ng Pilipinas, maganda pa din ang relasyon ng dalawang bansa pagdating sa turismo.
Ayon kay Caticlan Jetty Port administrator Niven Maquirang, dagsa pa din ang mga Chinese tourists sa Boracay Island.
Base sa datos ng Department of Tourism, nakapagtala na ng 3,207 arrivals ng mga Chinese sa Boracay simula July 18 hanggang 20, dahilan para tumaas sa 21,060 ang kabuuang tourist arrivals mula July 1 ng taong kasalukuyan.
Nakasaad din sa parehong DoT data na ang China ang isa sa top three countries na nagpupunta sa Boracay. Karamihan naman sa mga Chinese na nagpupunta sa top tourist destination ng bansa ay ang mga bagong kasal.
Tumaas naman ng 15 percent ang tourist arrivals sa Boracay matapos ang unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Kamakailan ay pinangalanan ang Boracay bilang isa sa Top Ten World’s Best Islands ng isang tanyag na magazine sa New York City. (June N. Aguirre)