ITINUTURING ni Coco Martin na blessing para sa pinagbibidahan niyang ABS-CBN teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang pagkakasama sa show ng dalawang child actors na sina Simon Pineda at McNeal “Awra” Briguela.
Ginagampanan nina Simon at McNeal sa serye sina Onyok at Makmak, respectively.
“Alam n’yo honestly, sabi ko nga, napakaswerte naming kasi ang hirap humanap ng batang artista. Gifted sila e. Hindi naman naming sinasadya pero para kaming nakapulot ng ginto sa kanilang dalawa,” pagmamalaki ni Coco.
Nagkuwento pa si Coco tungkol kay Onyok. “Kasi noong nag-audition siya sa amin para sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano,’ hindi naman siya ’yung napili. Kasi nag-audition siya para maging anak ko e, si Junior. Tatlo sila, tapos pinaiyak naming sila. Si Onyok, I think 4 years old pa lang siya, wala siyang idea about acting, wala siyang ka-acting-acting.
“Tapos after that may napili na kaming isa. Pero nung paglabas niya, sabi niya, ‘Kunin n’yo ako ha!’ Kumbaga ganun ’yung ano niya, maangas na nakakatuwa. Natawa lang kami. Tapos nagmi-meeting kami, sabi ni Sir Deo (Endrinal, Dreamscape head), ‘Kunin natin ’yung batang ’yun, ’yung Onyok. Isama natin doon sa Botolan, gawin nating Aeta, para magkatrabaho.’”
Isinama nga nila sa cast si Onyok at sa taping ay nakita ni Coco ang potensiyal ng batang aktor. And the rest is history, ’ika nga. Ang laki nga raw ng improvement ni Onyok sa acting.
Ani Coco, “Later on, mas magaling na siya sa aming lahat. Kasi ang nangyayari ngayon pag nagte-take kami punong-puno na siya ng adlib. Naiinis siya pag konti lang ’yung lines. May hirit pa sa amin iyan, ‘O pagnagkamali pa-pizza ha!’
Hindi naming ine-expect na ganun pala siya kagaling na bata.”
Kahit nga ang YouTube sensation na si Awra aka Makmak ay maliit lang sana ang role pero humaba ito dahil sa ipinakitang kahusayan. “Ang na-discover ko kay Makmak sobrang galing sa drama.’’
Samantala, masayang-masaya si Coco sa patuloy na pamamayagpag ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa national TV ratings base sa datos ng Kanta Media. Sa action-packed at madramang episode noong July 18, nagtala ang “FPJ’s Ang Probinsyano” ng 42.4% kontra sa 21% ng “Encantadia” ng GMA7. Noong July 19 naman ay nakakuha ng 44.2% ang “FPJ’s Ang Probinsyano” versus 19.6% ng “Encantadia.” (GLEN P. SIBONGA)