GAY ang roles nina Eric Quizon, Billy Crawford, Kean Cipriano at Martin Escudero sa “That Thing Called Tanga Na,” latest offering ng Regal Entertainment na si Joel Lamangan ang direktor. Showing ito sa Aug. 10 sa mga sinehan nationwide.
Kasama rin si Angeline Quinto na isang trying hard singer at events specialist ang role.
’Kaaliw ang ipinakitang trailer ng TTCTN noong presscon, at all smiles ang mag-inang producer na sina Mother Lily at Roselle Monteverde sa positive feedback mula sa entertainment writers.
No show si Billy sa presscon dahil may sakit at naka-confine sa St. Luke’s Hospital. Naitanong sana kung sino kaya ang peg niya sa kanyang karakter bilang isang closet gay na security guard.
All out magmahal
Tatak o image na siguro ni Kean Cipriano ang naka-dark shades. Si Randy Santiago kaya ang kanyang peg? Kahit umuulan at gabi na’y naka-shades si Kean sa presscon ng “That Thing Called Tanga Na.”
In any case, first time ni Kean mag-gay role. Owner siya ng isang online clothing company. Nagpaplano na silang magpakasal ng kanyang boyfriend sa New York nang natuklasan niyang may Koreanang girlfriend ito na pakakasalan na.
Siya pa ang naatasang gumawa ng wedding gown ng girl.
Ani Kean, sobrang na-enjoy niya ang gay role during the shoot. Challenge sa kanya na at one point in his life ay nakaranas siyang mag-portray ng gay character. Wala siyang peg at basta in-enjoy lang niya at dinama ang kanyang role.
In favour ba siya sa same sex marriage? “Oo naman. Pag-ibig ’yun, eh! All is fair in love,” ani Kean. Aniya pa, nagpakatanga rin siya noon sa pag-ibig. May mga ginawa siyang ridiculous things dahil kapag nagmamahal daw siya’y all out siya talaga.
Enjoy sa gay role
Aprub din si Eric Quizon sa same sex marriage. “Why not? Nothing wrong with that. As long as you love each other, wala akong nakikitang problema du’n,” lahad ni Eric.
Aniya pa, normal lang magpakatanga sa pag-ibig. Nangyayari naman ’yun, pero dapat daw ay mahalin mo rin ang sarili mo. Ayon pa kay Eric, gays are the most compassionate people at talagang maaasahan sa pagtulong.
Rich lawyer at Pinoy movie fan ang role ni Eric sa “That Thing Called Tanga Na.” Naloka siya noong nadiskubre niyang ang kanyang batang boytoy ay may karelasyong bading na mas bata sa kanya (Eric) at isang talent manager.
Hindi first time ni Eric mag-gay role dahil nagampanan na niya ito sa ilang pelikulang ginawa niya tulad ng “Pusong Mamon” at “Happy Together” na parehong dinirek ni Joel Lamangan. “Enjoy ko ang karakter ko. Masaya sa set namin (TTCTN). Parati kaming nagtatawanan at nagsasalita ng gay lingo,” saad ni Eric.
Feeling girl
Hindi rin first timer ni Martin Escudero sa gay role. Nakaganap na siya ng ganitong role sa pelikulang “Zombading Patayin sa Shokot si Remington” at ilang teleserye.
Isang transgender na parlorista ang role ni Martin sa “That Thing Called Tanga Na.” Aniya, feeling girl siya talaga kapag nakadamit pambabae siya, naka-make-up with matching long hair na wig. May dala pa siyang sariling “boobs” at bra sa set, ayon kay Martin.
Okey rin sa kanya ang same sex marriage. Wala raw dapat discrimination sa pagtrato sa mga gay at lesbian dahil pare-pareho lang tayong mga tao. Marami siyang mga kaibigang belong sa LGBT (Lesbian, Gays, Bisexual, Transgender) community.
Walang sapawan
Puring-puri ni direk Joel Lamangan ang mga artista niya sa “That Thing Called Tanga Na.” Aniya, lahat ay magagaling at walang sapawan sa kanilang mga eksena. Si Billy Crawford ay walang hang-up kahit lalaki ito. Dedicated actor si Kean na first time niyang idirek. Always competent si Eric, gayun din si Martin.
Surprisingly, magaling si Angeline, ayon kay direk Joel. “She delivered very well. Ang galing ng timing niya sa comedy. May ritmo siya,” wika ni direk Joel.
For sure, marami ang makaka-relate sa pelikula sa mga isyung kinasasangkutan ng mga beki alang-alang sa mga lalaking minamahal nila.
Subalit iisa ang punto ng nais iparating ng TTCTN, ayon kay direk Joel. Lahat ay pantay-pantay pagdating sa pag-ibig. May mga pagkakataong dahil sa pag-ibig nagiging tanga ang mga nagmamahal.
Mall show
May mall show ngayong Linggo ang cast ng “Encantadia” sa SM City Rosario, Cavite at 5 p.m. Tampok sina Gabbi Garcia, Ruru Madrid, Sanya Lopez, Rocco Nacino, Pancho Magno, Carlo Gonzales, Klea Pineda, Migo Adecer, Kate Valdez, Mikee Quintos at James Teng.