ITINUTURING ni Sylvia Sanchez na biggest break sa kanyang showbiz career ang pagiging bida niya sa upcoming ABS-CBN teleseryeng “The Greatest Love.” Ginagampanan niya rito ang role ni Gloria, ang nanay ng mga karakter na ginagampanan naman nina Dimples Romana, Andi Eigenmann, Matt Evans at Arron Villaflor.
Nagbigay ng patikim si Sylvia tungkol sa istorya ng “The Greatest Love” gayun din sa kanyang role nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay.”
“Tungkol ito sa isang ina, na isinakripisyo ’yung kaligayahan niya, ’yung buhay niya kinalimutan niya, para sa mga taong mahal niya. Mabait siyang anak, mabait siyang nanay. Ang dami niyang pinagdaanan. Mayroon siyang anak na adik sa alkohol, mayroon siyang anak na binabastos siya, mayroon siyang anak na bading, mayroon siyang anak na mabait.
Dito si Gloria, gagawin niyang lahat para mabuo ’yung pamilya niya, maayos niya ’yung mga anak niya. Hanggang sa nagkaroon na siya ng dementia, Alzheimer’s.”
Samantala, naging emosyonal si Sylvia nang sabihin niya kung kanino niya gustong i-dedicate ang ‘The Greatest Love.’
Kabilang pala kasi sa gusto niyang handugan ng kanyang biggest showbiz break ay ang kanyang manager na si Cornelia Lee o mas kilala bilang si Tita Angge. Matatandaang itinakbo sa hospital noong March 5, 2016 si Tita Angge matapos atakihin sa puso. Bagama’t na-revive sa ospital ay na-coma naman ang talent manager hanggang ngayon.
“Siyempre i-dedicate ko ito sa Mama ko, sa mother-in-law ko. Pero para rin ito sa nanay ko sa loob ng 27 years sa industriyang ito, na hanggang ngayon tulog, coma. Hay, Tita A, I wish nasa tabi kita ngayon. I wish na itong unang araw nandito ka kasi ito ’yung pangarap niya sa akin e. Eto na, Tita A, eto na ’yung pangarap mo. Medyo wala ka nga lang, hindi mo makikita. Pero gagawin ko ito, aayusin ko ito para sa iyo. Sobra kitang mahal at hindi kita iiwan hanggang sa huling hininga mo,” naiiyak na sabi ni Sylvia.
Malaki raw ang utang na loob ni Sylvia kay Tita Angge. “Nanay ko iyon e. Walang-wala ako, iyon ang tumulong sa akin.
Wala akong taping, wala akong pera, bigla akong dumadating sa bahay ko, merong pagkain sa hapag-kainan ko. Hindi ko iyon minahal as manager, minahal ko iyon as nanay.” (Glen P. Sibonga)