Tinatayang nasa 8,000 mamamayan mula Mindanao, Bicol, at Southern Tagalog (ST) Region ang sumanib sa lakas ng National Capital Region (NCR) sa ikaapat na araw ng Lakbayan 2016.
Sa bisperas ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, nagtayo ng Peace Camp sa Quezon Memorial Circle na pinagdausan ng iba’t ibang aktidad.
Natapos ito sa isang Peace Concert at Solidarity Night sa gabi. Naging tampok sa araw na ito ang pag-aayos ng Peace Sign Human Formation, pagpapalipad ng mga saranggola, “Bike for Peace” at “Zumba for Peace.”
Ayon kay Diego Torres, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-ST, “ang mga aktibidad na nakahanda ngayon ay para sa pagpapalakas ng konsolidasyon ng iba’t ibang delegasyon na narito ngayon. Bahagi na rin nito ang pagpapahayag ng kalagayan ng iba’t ibang rehiyon.”
Kabilang sa mga isyung ipinanawagan nila ang pagpapaalis ng mga pangkat militar sa kanilang mga paaralan, pagpapatigil ng mga malawakang minahan sa kanilang lupang ninuno, pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at iba pa.