Ni ANGIE OREDO
Naaantala ang lubusang operasyon hindi lamang ng Philippine Sports Commission (PSC) kundi pati na rin ang dapat na paghahanda at pagsasanay ng mga pambansang atleta dahil sa patuloy na kawalan ng appointment papers ng uupo na bagong napili na commissioners.
Ilang national sports associations na dapat sanang lumahok sa torneo sa labas ng bansa at magsagawa ng kanilang mga lokal na torneo ang naipit bunga ng kawalan ng mga personahe na nararapat na mag-asikaso ng kanilang mga papeles at pati na rin sa pondong kanilang gagamitin para sa kani-kanilang aktibidad.
Isang NSA’s ang napuwersang ikansela ang kanilang dapat na paglahok sa torneo sa labas ng bansa matapos na hindi makuha ang nakalaang pondo na huling inilaan ng pinalitang administrasyon sa PSC dahil hindi makapirma ang mga pumalit na bagong commissioner bunga ng kawalan ng appointment.
Una nang kinilala ang apat na commissioner at uupong chairman ng PSC ilang linggo bago pa manumpa sa kanyang katungkulan ang bagong pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte subalit hanggang sa kasalukuyan ay tanging ang nagbabalik sa ikalawa nitong termino na si William “Butch” Ramirez bilang chairman ang may appointment papers.
Muntik na din hindi makasuweldo ang mahigit na 300 empleyado ng ahensiya dahil sa kawalan ng lehitimong tao na dapat na mag-apruba sa pondong ilalabas para sa buwanang sahod.
Matapos ihayag ang bubuo sa papalit na pamunuan ng PSC ay hindi na rin nanatili sa kanilang puwesto ang apat na pinalitang mga commissioner na sina Salvador “Buddy” Andrada, Wigberto “Iggy” Clavecilla, Atty. Jose Luis Gomez at ang dating atleta na si Gillian Akiko Thomson-Guevara.