Ibinaling ng 28th seed Philippine national youth team ang ngitngit sa unang araw na pagkatalo sa 24th FIBA Asia U-18 Junior Men’s Championship matapos nitong biguin ang 62nd seed Iraq, 96-79, kamakalawa ng gabi sa Twelve Thousand People Sport Hall-Azadi Sport Complex sa Tehran, Iran.
Nakabawi ang six-time gold medalist na Batang Gila sa 1-1 kartada sa Group A dahil sa panalo at nakahinga mula sa 88-74 sorpresang pagkatalo sa two-time silver/four-time bronze medalist na 28th seed Taiwan noong Biyernes para manatili sa kontensyon sa quarterfinals ng 12-bansa, 10-araw na torneo na tatagal hanggang Linggo, Hulyo 31.
Pinamunuan ni team captain Jolo Mendoza ang Pinoy quintet sa itinala na 25 puntos tampok ang 7-of-14 3-pointer habang nag-ambag si Joshua Sinclair ng 21 na may 12 rebounds. Tumulong din si JV Gallego na may 12 puntos at 10 naman kay Fran Yu.
Naghulog ng back-to-back basket si Mendoza at isa pa kay Gian Mamuyac na nagtulak sa ‘Pinas sa pinakamalaki nitong abante sa 27 puntos sa ikaapat na yugto, 87-60, matapos agad na diktahan ang laban sa 26-17 iskor sa opening quarter. (Angie Oredo)