Binuksan kahapon ng Bureau of Customs (BoC) ang lima sa 88 container vans naglalaman ng mga kalakal mula sa China, at nadiskubre nila doon ang mga puslit na sibuyas at bawang. Sinabi ni BoC Deputy Commissioner Jessie Dellosa na binuksan nila ang mga vans matapos mapag-alaman na inabandona ang mga iyon ng dalawang consignees – Great Light Trading at San Fred Trading.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng grupo ni Dellosa ang mga sibuyas sa loob ng container vans na hindi kasama sa listahan ng mga kalakal.
“Sa inspection natin, may halong onion especially red and white onion. Ang red onion daw di binigyan ng permit,” sabi ni Dellosa. Ayon kay Dellosa, natiyak nilang apat sa limang container vans na na-inspection ay naglalaman ng smuggled goods.
Dinagdag pa ni Dellosa na aalamin pa nila kung ang laman ng ibang container vans ay puslit din para masampahan nila ng kaso ang mga consignees dahil sa paglabag sa Economic Sabotage Law.
Base sa declaration paper, ang isang container ay naglalaman ng US$7,000 halaga ng kalakal. Iniutos ng BoC na i-hold ang lahat ng container vans matapos na madiskubre ang mga puslit na kalakal. (Argyll Cyrus B. Geducos)