Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang pagbuo ng isang joint task group na mag-i-inspeksiyon sa mga palengke at dadakip sa mga taong nagbebenta ng mga pagkain at kalakal na nakasasama sa kalusugan.
Ginawa ni Bautista ang hakbang matapos na makatanggap ng mga reklamo ang City Health Department laban sa mga pagkaing walang nakalagay na label at expiry date na ibenebenta sa ilang palengke sa QC.
Nagbabala ang mga health officials na maaring malason at magkaroon ng gastro-intestinal infections ang mga taong makakain ng mga pagkaing iyon.
Base sa report ng City Health Department, karamihan sa mga food products na pinagbibili na walang label at pinalitan ng expiry date ay sandwich spread, fruit juice, powdered milk, seasoning mix, instant coffee, catsup, canned goods at noodles.
Bago ibinigay ni Mayor Bautista ang kanyang kautusan, kinumpiska ng City Health Department ang ilang unlabeled at expired food products na pinagbibili ng mga vendors sa Balintawak Market.
Na-recover din ng mga health personnel ang mga bote ng acetone na ginagamit para burahin ang original expiry dates sa mga produkto. (Chito A. Chavez)