Patay ang may-ari ng isang Filipino-Chinese transient hotel nang pagbabarilin ng isang hindi kilalang lalaki sa Mandaluyong City bandang 1:17 a.m. araw ng Lunes.
Kinilala ng police ang biktima na si Lilian Yap Chua, 50, may-ari ng transient hotel na matatagpuan sa 498 Barangay Plainview, Mandaluyong City.
Ayon kay Elbert Copada, hotel cook, naganap ang pamamaril sa canteen ng hotel. Sinabi ni Copada na nagkunwari muna ang suspek bilang customer ng canteen at saka nito binaril nang dalawang beses ang paparating na biktima.
Base sa CCTV footage ng hotel, mabilis na naglakad ang salarin papuntang Boni Avenue matapos na putukan ang biktima ng dalawang beses – isa sa ulo at isa sa katawan.
Isinugod ng mga empleyado ng hotel si Chua sa Mandaluyong Medical Center ngunit ideneklarang siyang dead on arrival. Nakuha sa crime scene ang dalawang piraso ng basyo ng bala at isang tingga.
Sinabi ni Senior Superintendent Joaquin Alva na sinisiyasayat ng kanyang mga tauhan ang impormasyon na nagkaroon umano ng problema sa negosyo ang biktima bago naganap ang pagpatay. (Jenny F. Manongdo)