BUTUAN CITY – Niyanig ng magnitude 4.7 na lindol ang Surigao del Norte Martes ng gabi. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakita ang epicenter ng lindol tatlong kilometro northwest ng Sison town sa Surigao del Norte dakong 10:29 ng gabi.
Intensity 4 na pagyanig ang naramdaman din sa Placer habang umabot ng intensity 5 sa Surigao City. Intensity 4 din ang naitala sa San Jose, Dinagat Islands province; intensity 3 sa San Francisco at Limasawa sa Southern Leyte; at intensity 2 sa Butuan City at Cebu City; habang intensity 1 sa Gingoog City, Misamis Oriental.
Sinasabing tectonic ang origin ng lindol na may lalim na seven kilometers. Naging sanhi din ng lindol ang paggalaw ng local fault sa Sison town.
Agad naman na dinispatsa ni Surigao del Norte Governor Sol F. Matugas ang rescue at quick response teams sa kanilang lugar. (Mike Crismundo)