Apat na bata ang nasawi sa isang sunog sa Pasay City noong Miyerkules. Kinilala ni Chief Supt. Ronald Bañago, hepe ng Bureau of Fire Protection National Capital Region, ang mga biktima na ang mga magkakapatid na sina John Gero Guarino, 8; Ayah Shantal, 5; at Patrick Ariz Romano, limang buwang gulang, at Kim Regine Argarin, 7, mga residente ng Wella Compound, Sitio Pag-asa 2, Barangay 201, Zone 20.
Ayon kay Fire Officer 1 Jerome Raquiño, arson investigator, nagsimula ang sunog sa bahay ng mga biktima bago mag-10 p.m. dahil sa napabayaang kandila.
Agad na kumalat ang apoy sa bahay at tumakbo ang ina ng mga biktima na si Ruby Guarino pero hindi niya sila naisama dahil nataranta.
Binalikan ni Guarino ang kanyang mga anak upang iligtas pero nilamon na ng apoy ang kanilang bahay at nagtamo siya ng third degree burns sa katawan.
Tumagal ang sunog ng pitong oras at natagpuan ang mga labi ng mga biktima malapit sa isa’t isa. Tinatayang 440 pamilya ang apketado at 100 bahay at P1 million halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog na umabot sa Task Force Delta. (Martin A. Sadongdong and Jean Fernando)