Walumpu’t-walong pulis ng Quezon City Police District na humahawak ng operasyon laban sa iligal na droga ang sinibak sa puwesto ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar.
Sinibak sa puwesto simula kahapon ang 35 pulis na nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, kabilang na ang kanilang hepe na si Chief Insp. Enrico Figueroa, at 53 sa QCPD Station 6 Anti-Illegal Drugs unit.
Sinabi ni Eleazar na bahagi ng internal cleansing ng QCPD ang pagsibak sa 35 pulis ng DAID. Nataon ang pagsibak sa kanila habang iniimbestigahan ang pagkakadawit ni Senior Insp. Ramon Castillo, team leader ng DAID, sa bentahan ng shabu na nasabat sa mga operasyon. Matatandaang namatay si Castillo sa isang buy bust operation kamakailan noong Lunes sa Quezon City.
“Para mas maging effective ang trabaho, pahinga muna sila. Marami naman tayong pwedeng pumalit muna,” pahayag ni Eleazar. Itinalagang bagong hepe ng DAID si Supt. Godfredo Kinhude Tul-O na taga-Davao City.
(Vanne Elaine P. Terrazola)