Sa kauna-unahang pagkakataon, pumayag na magpa-interview sa telebisyon ang half-brother ni Maja Salvador na si Kirby Andres at half-sister ng aktres na si Marie Salvador nang mag-guest silang tatlo sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay”.
Si Kirby ay kapatid ni Maja sa nanay nilang si Thelma Andres, habang si Marie naman ay kapatid niya sa kanilang yumaong amang si Rosauro Salvador aka Ross Rival.
Ayon sa dalawa, naging mabuting kapatid daw si Maja sa kanila. Ani Marie, “Kasi hindi naman po kami laging nagkikita e. Ano siya e, kunwari sa pag-aaral, kasi siya ’yung nag-aano (sumasagot) ng half ng educational tour ko. Sasabihin niya, ‘Tapusin mo yang pag-aaral mo kasi iyan ang pinaka-kayamanan mo na rin.’”
Pinapahalagahan ni Maja ang edukasyon para sa kanyang mga kapatid kasi iyon ang hindi niya nagawa dahil sa busy schedule niya sa showbiz.
Sabi pa ni Marie, “Ikaw ang isa sa dahilan kung bakit ako nakapagtapos. Kahit wala na si Papa, gumagawa ka ng way na magkita tayo.”
Pagmamalaki naman ni Kirby kay Maja, “Siya ‘yung parang best talaga. Siya lang ‘yung kapatid ko so napu-fulfill niya ‘yung role na ‘yun. Kahit hind ko siya kasama palagi, always updated ako sa kanya or sa amin.”
Spoiled ba siya sa kanyang ate? “Lahat naman kami spoiled sa kanya. Ganun siya kabait.”
Ayon pa kay Maja, kahit daw ganito ang situwasyon ng pamilya nila ay nanatili silang close sa isa’t-isa. “Maswerte talaga ako kahit hindi buo ang pamilya ko, kahit na hindi nagkatuluyan ang mommy at daddy ko, maswerte ako dahil ang ginawang mommy at daddy ko ay hindi nagdamot. Hindi nila sinabi na huwag mo masyadong bigyan iyan ng pagmamahal o huwag ka masyadong magbibigay dahil half-sister mo iyan or half-brother. Nanggaling kayo sa amin mahalin n’yo ang isa’t isa kasi magkakapatid kayo, walang kala-kalahati. Iyon ‘yung wala mang kayamanang iniwan ang daddy namin sa amin, parang iniwanan niya kami na close ka-ming lahat.”
Pamilya raw ang sandigan at inspirasyon ni Maja. “Siguro kaya ganito ako, masayahin ako, kasi punung-puno ng pagmamahal ang buhay ko.’’ (Glen P. Sibonga)