PARANG Christmas in July ang thanksgiving party ni Alden Richards para sa entertainment press na ginanap sa Le Reve Events Place sa Sgt. Esguerra, QC. Literally, “bumaha” ng cash prizes na ipina-raffle ng Pambansang Bae at Kapuso heartthrob, bukod sa sangkatutak na give-aways mula sa kanyang product endorsements. Walang umuwi ng “luhaan” at everybody happy.
Pinasalamatan ni Alden ang entertainment writers. Noong nag-umpisa siya sa showbiz five years ago ay sinuportahan siya. Hanggang ngayon naman. Aniya, napakahalaga sa kanya ang entertainment press, ang suporta ng mga ito sa narating niya sa kinalalagyan niya ngayon bilang artista.
How much na ang worth niya ngayon? “Nakupo, walang ganyanan. Baka ma-misinterpret na naman ako,” ani Alden. Naging isyu kasi ’yung pag-post niya sa social media ng ipa-bless niya ang bagong bili niyang black Jaguar sports car.
Binash siya ng ibang netizens na ipinagyayabang niya ’yun. Sabi ni Alden, gusto niyang magtayo ng sariling foundation para mai-share ang kanyang blessings, lalo na sa mga batang ulila na at sa mga matatandang nangangailangan ng kalinga.
Ibinalita rin niyang bago matapos ang 2016 ay magkakaroon siya ng bagong teleserye sa GMA7. Inaayos na ng creative team ang project na hopefully ay pagsasamahan nila ni Maine Mendoza.
Nagpasalamat din
Mabuti pa si Senator Bongbong Marcos, kahit natalo siya sa vice-presidential bid ay nagpa-thanksgiving party siya para sa entertainment press. Ang family friend nilang si Manay Ichu Vera-Perez Maceda ang nag-organize ng party na ginanap sa Victorino’s restaurant sa QC.
Ani Sen. BBM, malaking bagay sa kanya ’yung tiwala at boto sa kanya ng mga sumuporta sa kanya noong nakaraang eleksiyon. Ginagawa niya ang “Pasasalamat Tour” nationwide. Aniya, naging tradisyon na niya mag-ikot para pasalamatan ang mga nagtiwala sa kanya. Noong governor pa lang siya ay nagmo-motorcade siya sa buong Ilocos.
Kasamang dumating ni Sen. BBM ang wife niyang si Atty. Liza at ang panganay nilang anak na si Sandro. “Mga alalay lang kami ni Sandro,” joke ni Sen. BBM. May dalawa pa silang anak na lalaki, sina Vincent (20 years old) at Simon (18). Twenty-two naman si Sandro.
Nakasama ni Sen. BBM si Sandro noong campaign period at aniya, nagulat siya na parati itong pinagkakaguluhan at marami ang nagpapa-picture taking sa anak niya. Tinanong si Sandro kung alin ang gusto niya, showbiz or politics?
Politics, aniya. Sabi ni Sen. BBM, dapat ay mag-showbiz muna siya bago politics.
Tinanong si Sandro kung ano’ng klaseng ama si Sen. BBM. Aniya, noong maliliit pang bata sila ng magkakapatid ay
istrikto ang kanilang daddy. Habang lumalaki sila’y nababawasan na ang pagka-istrikto nito. Supportive dad ito.
Ayon pa kay Sandro, despite his dad’s busy schedule, parating may time ito para sa kanila. Sunday ang kanilang family day. Nanonood sila ng sine, o di kaya’y nagkukuwentuhan sila sa bahay. Nagluluto pa ang kanilang dad at masarap daw ito magluto.
Nakaplano na
Tungkol sa pagpapalibing sa Libingan ng mga Bayani ni former President Ferdinand Marcos, ani Sen. BBM, nakaplano na ’yun sa September this year. Ang mother niyang si Congresswoman Imelda Marcos ang magdedesisyon kung kailan ang libing.
Magkakaroon muna ng simpleng memorial services sa Sarat, Paoay at Batac, Ilocos Norte bago dalhin ang labi ng kanyang ama sa Manila.
Kaugnay naman sa inihain niyang election protest, na sa Supreme Court na ang kaso, ayon kay Sen. BBM. Ayon sa kasama niyang lawyer at spokesperson na si Atty. Vic Rodriguez, marami na silang nakalap na ebidensiya at inaasahan nilang within six months to one year ay mareresolbahan ang kasong isinampa nila kaugnay ng pagkatalo ni Sen. BBM kay Vice President Leni Robredo.
And more
Nasa Intramuros, Manila ngayong umaga sina Marian Rivera at Boobay at maglilibot sila gamit ang bamboo bike.
Mamamasyal din sila sa ilang museums kasama ang foreignoy na magbebeki language na si Wil Dasovich at Ilonggang komedyanang si Lovely Abella.
Join sila sa ghost tour kasama ang isang paranormal expert. Alamin din ang love story ng isang World War II soldier na nagparamdam sa Intramuros. Tutok lang sa “Yan ang Morning” at 9:30 a.m, sa GMA7.
Mamaya sa “Encantadia,” magsisimula na ang pagsubok sa apat na sang’gre. Matatalo sina Alena (Gabbi Garcia) at Danaya (Sanya Lopez). Sina Pirena (Glaiza de Castro) at Amihan (Kylie Padilla) ang maglalaban. Si Amihan ang pipiliin ni Mine-A (Marian Rivera) para pumalit sa kanya. Magagalit si Pirena at hahamunin niya ng labanan si Mine-A.