Ibinunyag ni Ciara Sotto na nag-uusap na sila ngayon ng kanyang dating asawang si Jojo Oconer matapos ang kanilang kontrobersiyal na hiwalayan.
“Medyo friends na naman kami. So, hindi naman kami enemies. Nag-uusap naman kami, at kung gusto niya makita ‘yung anak namin ay nakikita naman niya, so ‘yun ang okay doon,” sabi ni Ciara nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay”.
Ikinasal sina Ciara at Jojo noong 2010 at nagkaroon ng isang anak na lalaki, si Vincezo Xose. Enero 15 ng taong ito nang ihayag ni Ciara sa kanyang Instagram account ang ginawa niyang paglisan sa bahay nila ni Jojo, kasama ang anak, at bumalik sa poder ng kanyang mga magulang na sina Sen. Tito Sotto at Helen Gamboa-Sotto.
Nakipaghiwalay si Ciara dahil sa umano’y panloloko ng asawa, kung saan nasangkot pa sa intriga ang actress-TV host na si Valeen Montenegro.
Matapos ang halos anim na taon ng pagsasama, paano nagkalakas loob si Ciara na bumitaw na? “Parang ayaw mo lang i-tolerate, so parang okay na ako doon, parang ganun. Parang hindi ko lang kaya na na-disrespect ako at ‘yung family ko.”
Kailan niya na-realize ito? “Nung makita ko. Parang feeling ko talaga nabastos ako bilang nanay, bilang katrabaho, bilang babae.”
Pero naka-move on na raw si Ciara ngayon. “Wala na, okay na kasi ako. ’Yung anak ko lang talaga ang nagpapasaya sa akin, ’yung buong family ko, ’yung parents ko. Thankful talaga ako.”
Hindi ba siya nahirapang mag-adjust? “Actually, because I’m in my parents’ house, madali. Kasi siyempre may kasama ako palagi. Kasi ini-imagine ko kung hindi ako doon tumuloy, or kung talagang mag-isa lang kami ng anak ko, baka malungkot nga. Siyempre sanay ka palagi kang may kasama, di ba?”
Paano siya sinuportahan ng parents niya sa pinagdaanan niya? “Yung parents ko kung saan ako masaya, doon sila. Very thankful ako, lalo na madasalin ’yung parents ko, so nakuha ko rin sa kanila ’yun. Basta kapit lang kay Lord.”
Kapag nakikita niya ang anak niya, hindi ba siya nalulungkot na ganun ang nangyari sa pamilya nila? “Kasi I have a family that’s showering him with so much love. So, parang hindi naman kulang. Ang important lang talaga habang lumalaki siya, may relationship sila (ng dad niya).”
Sa ngayon, hindi pa raw ready si Ciara sa panibagong relasyon. Ang anak muna niya ang kanyang priority.
Sa lahat ng kanyang mga pinagdaanan, napatunayan niya raw na matatag din siya. “Kaya ko, na malakas pala ako. I can be alone.”
Anong advice ang maibibigay niya sa mga misis nanararanasan din ang pinagdaanan niya? “Laban, huwag magpapatalo and kapit lang kay Lord. Kailangan nagdarasal palagi kay God,” ani Ciara. (Glen P. Sibonga)