Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan Sixth Division ang pakiusap ni dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima na makabiyahe papuntang United States mula September 5 hanggang 27, 2016 para bisitahin ang kanyang anak na si Jason Arvin na kasalukuyang nag-aaral sa Culinary Institute of America sa St. Helena, California.
Base sa desisyon na ipinalabas ng korte, hindi pwedeng pagbigyan ang kahilingan ni Purisima dahil wala namang “urgent or compelling reason” na nakikita para ma-justify ang kanyang pagbiyahe sa ibang bansa.
Matatandaan na ipinaresto ng Sandiganbayan si Purisima at iba pang indibiduwal noong nakaraang Mayo matapos kasuhan ng kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang courier service deal na pinasok ng PNP noong taon 2011.
(Czarina Nicole O. Ong)