Umaasa ang mga Pilipino ng mas maginhawang buhay at mas mabuting ekonomiya sa susunod na 12 buwan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte.
Ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Station mula Hunyo 24 hanggang 27 o ilang araw bago nanumpa si Duterte at inilabas kahapon, 49 percent ng mga respondents ang nagsabing bubuti ang buhay sa susunod na 12 buwan samantalang three percent ang nagsabing ito ay lalala.
Resulta nito ay ang bagong record-high net personal optimism score (percentage of optimists minus percentage of pessimists) na +46 na ayon sa SWS ay “very high.”
Ito ay mas mataas ng six percentage points kumpara sa nakaraang survey na “very high” +40 noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon sa SWS, tumaas ang net personal optimism sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao pero bumaba ito sa Luzon.
Idinagdag ng SWS na mataas pa ang optimism ng mga Pilipino batay sa lahat ng socioeconomic classes.
Sixty percent ng mga respondents ang nagsabing bubuti ang ekonomiya sa susunod na 12 buwan samantalang four percent ang pessimistic.
Dahil dito, naging “very high” o +56 ang net economic optimism ng mga Pilipino, na mas mattas kumpara sa +30 noong Disyembre at +39 sa umpisa ng termino ni dating Pangulong Aquino.
Ang net economic optimism ay ang inaasahan ng mga tungkol sa ekonomiya. Ang net personal optimism naman ay tungkol sa inaasahan ng isang tao sa kalidad ng kanyang buhay. (Vanne Elaine P. Terrazola)