Umapela ang tatlong beses tinanghal na Southeast Asian Games gold medalist na si Alfie Catalan na ipaliwanag ng husto ng Integrated Cycling Association of the Philippines (PhilCycling) ang tungkol sa kanyang sa pagkakapatalsik bilang miyembro ng pambansang koponan.
Ikinadismaya ng 34-anyos na si Catalan sa isang panayam sa radio ang biglaang pagkakasibak nito sa national track cycling team kung saan matagal na rin itong hindi nakakakuha ng kaniyang buwanang allowance bilang pambansang atleta sapul noong Mayo.
“Sana man lamang, sabihin nila kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ako inalis sa national team,” sabi ni Catalan, na ilang beses tinanghal na kampeon sa Individual Pursuit.
Sinabi ni Catalan na tanging nalaman nito na inalis na siya sa koponan kay National Track coach Carlo Jasul na nagsabi mismo sa kanya base sa naging desisyon ni Philcycling President Bambol Tolentino at Board.
Gayunman, ipinaliwanag ni Catalan na hindi maipakita ni Jasul ang kahit anumang ebidensiya o nagnapatunay sa desisyon ni Tolentino at Philcycling Board hinggil sa usapin kung alinman sa edad o kawalan ng performance bilang dahilan ng kanyang pagkakapatalsik sa koponan.
Hiniling din mismo ni Catalan ang kumpirmasyon sa Philcycling sa kanyang pagkakasibak sa koponan subalit wala itong nakuhang kasagutan. (Angie Oredo)