BUO pa rin at hindi nababawasan ang R1-million cash prize na napanalunan ni Myrtle Sarrosa mula sa PBB (“Pinoy Big Brother”) kung saan siya ang tinanghal na big winner in 2012. Aniya, sa payo ng kanyang daddy ay in-invest niya ’yun sa stock market.
Taga-Iloilo si Myrtle na isa ring cosplayer, SK president, courtside reporter, recording artist at songwriter. Gusto niyang maging broadcast reporter at idol niya si Bernadette Sembrano. Broadcast Communication senior si Myrtle sa UP Diliman at running for cum laude siya sa graduation niya sa December this year.
Kahit mahirap, napagsasabay ni Myrtle ang kanyang pag-aaral at pagso-showbiz. Sobrang hanga sa kanya ang owner ng Megasoft Hygenic Products, Inc., na si Aileen Go, kaya siya ang kinuha nitong endorser ng Sisters Napkins and Pantyliners. Ani Aileen, perfect choice si Myrtle sa bagong campaign ng kanilang produkto na Sisters, “School is Cool,” na nag-i-inspire sa mga estudyanteng pahalagahan ang edukasyon.
Sobrang grateful naman si Myrtle na siya ang piniling endorser ng Sisters Napkins and Pantyliners. Aniya, “Hindi lang ako endorser ng product, may advocacy pa ako para sa mga kapuwa ko estudyante.”
Ang campaign ay nagbibigay ng recognition sa mga outstanding students at teachers mula sa iba’t ibang eskuwelahan nationwide. Nagbibigay rin ito ng inspirasyon sa mga estudyanteng tapusin ang kanilang pag-aaral para matupad ang kanilang mga pangarap.
In any case, may series of mall shows si Myrtle called “I Love My Sisters” kasama ang Hotlegs girls na sina Nesh, Labb, Cath at Alex. Nagsimula ito noong July 31 sa SM Molino. Ang mga susunod na venue: SM Dasmariñas on Aug. 6, SM Baguio (Aug. 20), SM Rosales, Pangasinan (Aug.21), Kadayawan Festival sa Gaisano Grand Mall sa Davao (Aug. 19).
May “Sisters’ Day Celebration” on Aug. 7 na ang theme ay “We Are One, We Are Sisters” na gaganapin sa Starmall, Alabang. Joining Myrtle and the Hotlegs are Nash Aguas, Joaquin Reyes, John Bermundo, Brace Arquiza and Grace Fernandez collectively known as Gimme 5.
Foul!
Foul naman ’yung pinalalabas ng haters ni Alden Richards na nagpapalapad lang siya ng papel sa entertainment press, kaya nagpa-thanksgiving party siya. Kesyo, nagpapaganda lang daw ito ng PR sa entertainment press dahil gusto raw ng Pambansang Bae at Kapuso heartthrob na pawang positive ang isusulat about him.
Hello! Baguhan pa lang si Alden noong una namin siyang nainterbyu sa taping ng “Alakdana.” Unang soap opera niya ’yun sa GMA7 with Louise de los Reyes. Noon pa man, nakitaan at napansin na namin ang likas na kabaitan ni Alden.
Marespeto at sinsero siyang makipag-usap sa entertainment press. ’Yung ibang baguhang naiinterbyu namin, maangas na agad ang dating at feeling-feelingan na.
Since then, kapag nakikita namin si Alden sa showbiz events, talagang nag-e-effort siyang lapitan isa-isa ang miyembro ng entertainment press at binebeso niya. Wala siyang pinipili, baguhan man o datihang reporter. Noon pa man ay press friendly na si Alden. Kaya madali siyang minahal at kinagiliwan.
Ngayong sobrang sikat na (at sobrang rich na rin) si Alden, hindi pa rin siya nagbago ng pakikitungo sa entertainment press. Toxic nga lang ang schedule ngayon ni Alden, kaya bihira siyang mainterbyu. But then, talagang nag-effort siyang maisingit sa kanyang schedule ang thanksgiving party niya sa entertainment press.
Sobrang hanga
Si Rochelle Pangilinan ang gumaganap bilang Agane na kanang-kamay ni John Arcilla bilang Hagorn, hari ng Hathoria, sa “Encantadia.” Parati silang magkasama sa eksena, kaya nakikita ni Rochelle kung gaano kahusay umarte si John.
“Sobrang husay at sobrang mapagbigay siya bilang katrabaho. Parati siyang nagsi-share ng kaalaman niya, at marami akong natututunan sa kanya sa pag-arte,” saad ni Rochelle.
Pansin nga namin, nagle-level up na ang acting ni Rochelle. Nawawala na sa kamalayan na isa rin siyang mahusay na dancer. Kinakarir na ni Rochelle ang pag-arte.
Nagsisilbing inspirasyon sa buong cast ng “Encantadia” na parati itong nagte-trending nationwide at worldwide.
Marami pang mga pasabog na eksena ang dapat abangan sa naturang telefantasya sa GMA Telebabad.
Birthday girl
Birthday ni Marian Rivera on Aug. 12 at wish lang ng kanyang fans and supporters na may celebration sa “Yan ang Morning.” Last year ay memorable ang kanyang birthday dahil naganap ang marriage proposal sa kanya ni Dingdong Dantes on national TV sa kanyang “Marian” show. Ikinasal sila Dec. 31 last year.
This year, may cute bundle of joy na sina Marian at Dingdong, si baby Zia. Wish ng kanilang fans na i-guest ang mag-ama ni Marian sa YAM sa kanyang birthday celebration. Aug. 2 (today) ang birthday naman ni Dingdong. Happy Birthday!