Kasalakuyang pinaghahanap ng pulisya ang driver ng isang SUV na nakabangga sa apat na call center agents sa kahabaan ng San Miguel Avenue, Pasig City, madaling araw ng Linggo.
Dalawa ang namatay sa naturang aksidente, kasama ang isisilang pa lang na sanggol ng isa sa mga biktima na hanggang ngayon ay nasa comatose stage.
Ayon sa Pasig City police, naglalakad ang apat na empleyado ng 247 call center company galing sa kanilang trabaho bandang 3 a.m., Linggo, nang mabangga sila ng humahagibis na SUV.
Napag-alaman na nakaladkad ang biktimang si Jake Arteta Santillas, 23, ng 300 metro ang layo mula sa lugar ng pagbangga hanggang sa Saint Francis Square ng Mandaluyong City.
Isinugod si Santillas sa Mandaluyong Medical Center ngunit binawian siya ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Namatay naman ang sanggol na dinadala ng biktimang si Mariel Rabina habang siya’y ginagamot sa ospital, ayon kay Pasig City police chief, Senior Supt. Orlando Yebra Jr.
Nakita ng Pasig City police ang SUV na nakabangga sa mga biktima nang panoorin nila ang footage ng CCTV sa lugar ng aksidente. (Jenny F. Manongdo)