Talamak pa rin ang bentahan ng bawal na gamot sa loob ng Navotas Fish Port Complex (NFPC) sa kabila ng pinaigting ng kampanya laban sa droga, ayon kay Senior Supt. Dante Novicio, Navotas police chief.
“Talamak pa rin ang droga sa Navotas Fish Port, specifically sa Market 3, as if tino-tolerate ng PFDA (Philippines Fish Port Development Authority), sabi ni Novicio.
“Despite our tripled efforts to destroy the drug problem, pushers and users are still operating inside the fish port,” dagdag pa niya.
Ang NFPC ay nasa ilalim ng PFDA na siyang namamahala sa mga pantalan sa buong bansa. Sinabi ni Novicio na dapat nang buwagin ang mga barong-barong sa loob ng Market 3 at bigyan ng maayos na tirahan ang mga tao roon.
Ayon kay Novicio, ilan sa mga barong-barong na naroon ay ginagamit bilang drug dens. “Dapat i-demolish ng PFDA ang mga shanties sa loob ng fish port, at bigyan ng disenteng tirahan ang mga tao.
Makakatulong ito sa kampanya kontra droga,” sabi ni Novicio. Base sa record ng PNP, 12 beses nang nagsagawa ng pagsalakay ang mga police sa NFPC na nagresulta sa pagkamatay ng apat na shabu pushers at users. (Jel Santos)