Patay ang isang motorcycle rider nang makipagbarilan sa mga nagpapatrolyang pulis na sumita sa kanya at sa kanyang kasama dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa Sampaloc, Manila, bandang 2:20 a.m. kahapon.
Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo, may hawak ng kaso, sinita ng mga tauhan ng Calabash Police Community Precinct (PCP) ang dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo sa kanto ng Matimyas at Josefina Streets dahil wala silang suot na helmet.
Sa puntong ito, biglang bumaba ang back rider mula sa motorsiklo at biglang pinaputukan ng baril ang mga pulis.
Mabilis na gumanti ng putok si Police Officer 1 Julius Jamero na nagresulta sa pagkamatay ng back rider na nasa pagitan ng 30 at 35 ang edad, may katamtamang pangangatawan, at may mga tattoo na “TINIO” sa kaliwang braso at “SUWAIL” sa kanan, at “ROMY” sa likuran.
Nakasuot siya ng orange at black t-shirt, checkered cargo short pants at green slippers. Nakatakas naman sakay ng motorsiklo ang kasamahan ng napatay matapos ang insidente. Na-recover ng awtoridad sa lugar ng insidente ang tatlong bala mula sa 9mm at isang .38-caliber revolver.
Nakuha rin sa bulsa ng biktima ang isang pakete na naglalaman ng shabu. Kasalukuyan pang iniimbesigahan ng Police Station 4 ang insidente. (Analou De Vera)