Nakapag-uwi ang Philippine Rowing Team ng isang ginto, tatlong pilak at dalawang tanso sa pagsagwan nito sa ginanap na Asia Cup Rowing Championships sa Singapore noong Hulyo 28 hanggang 31.
Unang nagtulungan sina 2000 Sydney Olympian Benjie Tolentino at SEA Games champion Nestor Cordova para hablutin ang pilak sa Men’s Double’s Sculls habang nagkasya sa ikalawang puwesto ang mga junior rower na sina Cris Nievare at Joanie Delgado sa boys’ at Girls’ Single Sculls.
Ang mga tansong medalya ay iniuwi ni Edgar Ilas sa Lightweight Single Sculls at ang pares nina Arriane Snyder at Delgado sa Junior Double Sculls.
Tinapos ng Pilipinas ang kampanya sa pinakahuling nahablot na gintong medalya sa Masters event matapos na talunin ng 8-kataong Mixed Team ang karibal mula sa ERC Singapore at Cambridge Singapore.
Ang Asia Cup ay nilahukan ng mga koponan mula sa India, Indonesia, Pakistan, Malaysia, host Singapore at ang Pilipinas. (Angie Oredo)