Isang paralisado na hinihinalang runner ng droga ang binaril at napatay ng isang armadong lalaki sa Quezon City noong Lunes ng gabi.
Ayon sa police report, humihingi pa nang tulong sa kapitbahay si Jonel Tisbe, 37, ng Martinez St., Barangay Commonwealth, nang patayin ng salarin bandang 9:20 p.m. sa harap ng isang sari-sari store sa Martinez Street.
Sinabi ni SerafeƱa CastaƱeda na kumakatok sa gate ng kanyang bahay at humihingi ng tulong si Tisbe nang makarinig siya ng sunod-sunod ng putok ng baril sa labas ng kaniyang tindahan.
Nang matapos ang putok, nakita ng mga tao si Tisbe na duguan at patay na sa daan. Nagtamo si Tisbe ng maraming tama ng bala sa katawan, base sa police report.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Reynan, bahagyang naging paralisado ang kanyang kapatid nang maaksidente siya sa isang construction site kung saan siya nagtatrabaho noon.
Sabi pa ni Reynan pumunta lamang ang kanyang kapatid sa sari-sari store para manigarilyo nang barilin ng hindi kilalang lalaki.
Bagaman may mga report na maaring may kinalaman sa illegal drugs ang pagkamatay ng biktima, sinabi ng mga barangay officials na wala si Tisbe sa kanilang drug watch list. (Vanne Elaine P. Terrazola)