Bumaba ang bilang ng krimen sa Quezon City sa unang buwan ng panunungkulan ni President Duterte, ayon sa report ng police noong Lunes.
Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Guillermo Eleazar na bumaba ang crime incidents sa pinakamalaking lungsod sa Metro Manila ng 19 porsiyento isang buwan matapos manumpa si Duterte bilang pangulo ng bansa.
Ayon sa kanya, may kabuuang 504 ang naitalang krimen sa Quezon City nitong Hulyo, kumpara sa 571 krimen na naitala noong Hunyo ng taong ito.
Bumaba rin ang krimen ng 46 porsiyento kumpara sa naitalang 905 kaso noong Hulyo 2015, sabi ni Eleazar. Ang pagbaba ng bilang ng krimen, aniya, ay dahil na rin sa pina-igting na kampanya laban sa kriminalidad, lalong-lalo na ang bawal na gamot.
Samantala, tumaas naman ng 121 porsiyento ang bilang ng murder. Umabot sa 31 kaso ng pagpatay ang naitala nitong Hulyo, kumpara sa 14 na insidente noong Hunyo. (Vanne Elaine P. Terrazola)