DAGUPAN CITY, Pangasinan – Mula sa pagiging drug buy-bust, nauwi pa sa mas malaking operasyon ang naging pagkilos ng Philippine Drug Enforcement Agency – Region 1 (PDEA-RO1).
Ito’y matapos matuklasan ng mga awtoridad na isang drug den ang lugar na kanilang sinalakay Martes ng gabi kung saan anim katao, kabilang na ang kanilang target na si Renato Liwanag ang naa-resto.
Ayon kay acting Pangasinan Provincial Director, Police Sr. Supt. Roland Lee, lumabas sa kanilang imbestigasyon na malaki ang operasyon ng naturang drug den na nag-ooperate sa pali-gid ng Pangasinan.
“Liwanag is a top drug pusher providing the whole of Dagupan City and nearby towns,” ani Lee. Ang iba pang nadakip ay sina Jonald Rosario, Manny Santos, Christian de Vera, Darwin Bato at Michelle Miramis.
Base naman sa report ng PDEA, umaabot sa 30 hanggang 40 katao ang parokyano ng drug den na naglalabas ng halos 100 grams ng shabu kada araw.
Kumikita naman ito ng P100,000 kada araw o halos R30 million isang buwan. Samantala dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa PDEA regional office sa La Union kung saan ihahanda naman ang kaso ng mga ito bilang paglabag sa RA 9165. (Jojo Riñoza)