Batangas City – Nagbigay ng deadline ang city chief police ng hanggang August 12 para kusang sumuko ang mga nasa drug watchlist ng kanilang lugar.
Ayon kay Superintendent Barnard Danie Dasugo, nagpadala na sila ng liham sa 105 barangay captains na nag-uudyok sa mga drug personalities na isuko ang mga sarili sa kanilang police stations.
Kasama naman sa sulat ang mga pangalan ng mga personalidad na nasa watchlist. “Wala naman ibinigay na deadline ang taas (PNP) kami na ang nagset ng deadline kasi marami pa ang hindi sumusuko” ani Dasugo.”
Hindi ibig sabihin na nasa watchlist ay suspek na, minomonitor po yan ng office, kapag napatunayang wala, may process para madelete ang pangalan sa watchlist.”
Tiniyak pa ni Dasugo na magiging mas maigting ang kanilang kampanya matapos ang deadline lalo na sa mga lugar ng Cuta, Sta. Clara at Wawa.
“Kapag nabuwag namin sa mga lugar na yan, malaking mababago, malaki ang ibabagsak ng bentahan ng drugs dito,” ani Dasugo. Aabot ng 2,900 na mga pangalan ang naso watchlist ng siyudad habang 2,229 na ang sumuko. (Lyka Manalo)