ISA si Martin Escudero sa maga-ling na gumanap bilang bading sa pelikula.
Simula noong magbida siya sa indie film na “Zombadings 1: Patayin sa Sindak si Remington” noong 2011 kung saan nanalo pa siya ng best actor award, marami na ang naghihintay kung kelan siya magbabading ulit sa big screen.
Nagkaroon na nga ng katuparan ang hiling ng kanyang mga fans dahil kasama si Martin sa cast ng gay comedy ng Regal Entertainment titled “That Thing Called Tanga Na.”
“Sa buong movie, mujerista ako. Talagang naka-damit babae ako.
“Nakasanayan ko na ang magsuot ng bestida at wig sa set. Feel na feel ko dapat na babae ako sa movie.
“Kaya maaga ako sa set parati kasi matagal akong ayusan. Naglalagay pa ako ng boobs na ang cup size ay 36. Kailangan mas maganda at sexy ako sa mga kasama ko rito sa movie!” tawa pa niya.
Nadirek na raw siya ni Joel Lamangan sa mga teleserye noon, first time silang magsama sa isang movie.
“Masarap katrabaho si direk Joel. Matagal ko rin siyang hindi nakatrabaho.
“’Yung huli pa namin was ‘Enchanted Garden’ sa TV5. Ang saya lang sa set kasi nakakatawa rin ang mga suggestions ni direk Joel para sa character ko.
“Gusto niya ’yung parang The Danish Girl ang dating ko. Babaeng-babae. Kaya na-achieve ko naman kahit paano.”
Marami ang nanghihinayang na hindi na masyadong napapanood si Martin sa TV dahil sa nangyaring kaguluhan sa entertainment division ng TV5.
“Oo nga, eh. My last teleserye talaga was ‘Obsession.’ Tapos may mga ginawa akong mga ‘WattPad’ episodes. Nagbida pa ako sa ‘Positive.’ Pero mga two years ago pa iyon.
“Nakakapanghinayang lang kasi okey na ang takbo ng TV5, eh. Magaganda ang mga shows kahit na alam nating mahirap kalabanin ang dalawang malalaking TV networks. Pero what’s important ay may trabaho kami.
“Ngayon puro movies ang ginagawa ko. Gusto ko rin magkaroon ng teleserye ulit,” pagtapos pa ni Martin Escudero.
(RUEL J. MENDOZA)