Sinabitan kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ng Medalya ng Kagalingan (medal of merit) ang isang pulis na nakapatay sa isa sa tatlong hinihinalang holdaper sa Malate, Manila, noong Martes ng hapon.
Personal na pumunta si Dela Rosa sa Manila Police District (MPD) Headquarters sa Ermita para parangalan si Police Chief Inspector Paulito Sabulao. Ibinigay din ng PNP chief sa kanya ang isang Glock 30 Gen 4 pistol para gamitin niya laban sa mga kriminal.
“The medal is awarded to members of the Philippine National Police for a single act of heroism or a series of heroic acts in a duty responsibility not warranting the award of Medalya ng Kadakilaan,” ayon sa police.
Nagpahayag ng kasiyahan si Sabulao, Adriatico Police Community Precinct’s commander, dahil sa pagbibigay halaga ng PNP chief sa kanyang nagawa.
“Sinusuportahan niya talaga ang mga kapulisan,” sabi ni Sabulao. Base sa police report, nagpapatrolya si Sabulao at ang kanyang mga tauhan sa Singalong at Aragon Streets nang makita nila ang tatlong lalaking naka-motor na walang partikular na patutunguhan.
Nang lapitan ni Sabulao ang tatlo, nakita niya na may hawak na baril ang nasa gitnang rider. Dito na bumunot ng baril ang pulis at pinaputukan ang armadong lalaki. Nakatakas naman ang dalawang kasama ng napatay na holdup suspect. (Jamie Rose A. Aberia)