CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Inihayag ng Philippine National Police Eastern Visayas na nabuwag na ang Espinosa Drug Syndicate na pinamumunuan umano ng alkalde ng Albuera, Leyte na si Rolando Espinosa pagkatapos ang madugong engkuwentro sa bahay ng opisyal noong Miyerkules.
Anim na hinihinalang tauhan ni Espinosa ang namatay at sari-saring baril at bala ang nasamsam sa insidente, dahilan upang ideklara ng PNP na nabuwag na ang sindikato.
Samantala, pinuri ni PNP Eastern Visayas acting regional director Chief Supt. Elmer C. Beltejar ang Albuera police station na pinamumunuan ni Chief Insp. Jovie Espinido at ang Regional Public Safety Battalion na nagsanib puwersa laban sa sindikato.
“I am lauding the Albuera police force and the Regional Public Safety Battalion 8 for neutralizing six fully armed men believe to be the hit men of Mayor (Rolando) Espinosa,” sinabi ni Beltejar. (Nestor Abrematea)