CAPIZ – Nagpahayag ng pasasalamat kay President Rodrigo Duterte and 17 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) dahil siniguro niya na mabibigyan sila ng sariling lupain na sasakahin.
Sinabi ng isa sa mga dating rebelde na hindi sila nagkamali sa pagboto kay Duterte dahil nakita nila ang taos pusong pakikipag-usap sa kanila ng Pangulo.
Nakipagpulong si Duterte sa mga dating rebelde nang bisitahin niya ang Camp Peralta, ang headquarters ng Philippine Army 3rd Infantry Division (3ID) sa bayan ng Jamindan, lalawigan ng Capiz, noong Agosto 5, 2016.
Sinabi ni Duterte sa mga dating rebeldeng mula sa bayan ng Tapaz na bibigyan sila ng pamahalaan ng lupang sasakahin para magkaroon sila ng ikabubuhay.
Nakiusap lamang si Duterte sa kanila na tigilan na muna ang pag-atake sa gobyerno para bigyang daan ang pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan. (Edith B. Colmo)